Posts

Showing posts from January, 2020

[Tula] Sa mga Bagong Estranghero

Hindi naman sa hindi mapakaling lumisan Naubusan na lang ng mga rason para manatili Nawalan ng makakapitan Tila nakalambitin sa lubid na unti-unting napipigtal Hangga’t sa tuluyan na lang napatid Mga iniisip sa pansamantalang ere lang ang humahagkan: 1) Ang simoy ng hanging mapagpalaya 2) Ang lupit ng bagsak sa lupa *** Guilt - In varying degrees Constant and unceasing - Bumabalot Na parang rumaragasang alon Pinupunan Ang bawat labas-masok Bawat kanto at kurba Ngunit sa mas lalong paglaban Mas lalong hahatakin pailalim At ako’y tuluyang nalunod Originally published at  byepaulinefernandez.blogspot.com  2017

[Tula] Hubad at Hilaw

Sa isang kilalang teoryang panlipunan ay iprinepresenta na ang tao ay mayroong iba’t ibang mukhang ihinaharap depende sa sitwasyong ginagalawan. Tila lumilipat mula sa isang entablado tungo sa susunod, kung saan paiba-iba rin ang ginagampanang tauhan. Iba ang ikaw na pumapasok sa klase, sa ikaw na nakikipag-inuman sa mga kaibigan, sa ikaw na umuuwi sa piling ng minamahal. Ang bawat tauhang ihinaharap natin sa mundo ay isa lamang sa maraming bersyon ng malawak at lumalawak na sarili. *** Sasalatin ang kalahatan ng katawan - bawat papasok at pailalim Kakabisaduhin ang mga paso’t pilat, mga galos na lihim Yayapusin ang nagmamanhid na balat, nag-iinit na laman Saka ihahain nang buong-buo Ngunit nang marahang-marahan At maghihiwalay na ang mga kurtina Para sa isa pang pagtatanghal Kung saan ang tauhan ay ang ikaw Tunay Dalisay Hubad Hilaw Originally published at  byepaulinefernandez.blogspot.com   Apr 2017